Trabaho at Magkano ang Sahod sa Italya

Sumusulat ako ng post na ito batay sa aking kaalaman bilang Italyanong asawa ng isang Pinay OFW na may maraming Pinoy na kaibigan dito.

Sa kabila ng matinding krisis sa ekonomya dito sa Italy, karamihan ng mga Pinoy na kaibigan ko ay may trabaho at may disyenteng buhay. 

Sabihin natin na dito sa Italya ang sahod ay medyo mababa kumpara sa mga bansa ng hilagang Europe at ang sahod ng maraming mga Pinoy na nagtratrabaho bilang katulong ay hindi lumalampas sa 7€ per oras.

Mayroon tatlong pangunahing mga paraan dito sa Italy para magtrabaho sa domestic sector:

  • Live-in
  • Lungo orario (mahabang oras sa iba't ibang amo o sa isa na lang)
  • Part-time (4-5 oras sa isa o mahigit sa isang amo)

LIVE-IN WORK

Dahil sa mahirap nang asahan na ang sahod per oras ay lumalampas ng 7€ (at mayroon din pagkakataon na ang sweldo ay nasa 5€ na lang) tiyak na ang pinakamagandang situwasyon para sa isang pamilyang Pinoy na may anak at na may kamag-anak sa Pilipinas na umaasa sa tulong ay kung libre ang bahay, ibig sabihin kung may posibilidad na magtrabaho nang live-in sa isang amo na may malaking mansion kung saan may apartment para sa buong pamilya ng katulong.

Ang mahirap ay kapag sa bahay ng amo ay mayroon lang isang kwarto para sa katulong at ang pamilya ng katulong mismo ay nakatira sa ibang apartment na inuupahan. Dahil sa kadalasan ang mga day off ng isang live-in na katulong ay Huwebes ng hapon at Linggo, napakalimitado ng mga pagkakataon na gumugol ng panahon kasama ng pamilya, lalo na dahil hindi sapat ang sweldo ng isang live-in para sa upa ng bahay at, kaya, dapat din magtrabaho ang kanyang asawa.

Kaya ang trabaho bilang live-in ay sulit tanging lamang kung sa bahay ng amo ay may libreng tuluyan hindi lang para sa katulong kundi para sa buong pamilya niya. Kung libre ang bahay husto naman ang sahod ng 1000-1200€ sa isang buwan.

ANG AKING PINOY NA KAIBIGAN NA SI RENATO AY MAY MABAIT NA AMO NA NAGLAAN NG LIBRENG APARTMENT PARA SA BUONG PAMILYA SA TABI NG SWIMMING POOL PA....KASO BIHIRA IYON


LUNGO ORARIO (FULL-TIME)

Dahil sa hindi ganitong kadali masumpungan ang amo na handang maglaan ng libreng tuluyan para sa buong pamilya ng katulong, maraming Pinoy dito ay nag-lulungo orario (ang Italyanong pananalita "lungo orario" ay nangangahulugang "full-time", kadalasan sa iba't ibang amo...isang oras dito, isang oras doon...).

Kung ang mag-asawa ay parehong nagtratrabaho ng "lungo orario" at bawat isa ay kumikita ng humigit-kumulang 1200€ kada buwan nagiging medyo husto ang sweldo para sa upa ng bahay (usually dito sa mga malaking lunsod gaya ng Roma ang upa ay nasa 700-800€ a month), kuryente, tubig, gas at ibang bills, para sa sasakyan (sa palagay ko mas mabuti huwag magkaroon ng kotse dito, lalo na sa isang malaking lunsod kung saan may murang pampublikong transportasyon, dahil ang gasolina ay nasa halos 2€ bawat litro at ang insurance ay nasa 800-1000€ sa isang taon... pero mahirap kumbinsihin ang isang Pinoy na mabuhay nang walang kotse....) at para buhayin ang mga anak.

Ngunit, dahil sa ang sweldo ng isa ay para sa bahay lang (upa + bills), ang natitira lang para sa pagkain, kotse, mga gadyet at para sa mga anak ay ang pera ng asawa, kaya nagiging halos imposibleng magpadala ng pera sa Pilipinas, malibang...

DALAWANG PAMILYA AY NAG-IISHARE NG APARTMENT

Ito naman ang ginagawa ng maraming Pinoy dito para magkaroon ng medyo maluwag na budget at para makapag-padala ng kaunting halaga sa Pilipinas.

Ang masasabi ko lang, batay sa obserbasyon ko, ay na napakalimitado ng privacy (usually sa karamihan ng mga apartment dito sa Roma isa lang ang C.R.....) at pwedeng bumangon maraming awayan at kaguluhan tungkol sa pag-hahati ng mga bills.

PART-TIME

Ang ibang solusyon na ginagawa ng iilang Pinoy dito ay na parehong mag-asawa ang nagtratrabaho ng hindi lumalampas ng 4-6 oras at, kadalasan, ito ay posible kung wala silang anak at wala sila gaanong obligasyon na magpadala sa Pilipinas.
Dahil ang average na sweldo ng isang part-timer ay nasa 700-800€ a month, maliwanag na dapat maging handang i-sakripisyo ang pagkakaroon ng isang sasakyan, hanapin ang isang bahay na medyo nasa pinakadulo ng bayan kung saan ang upa ay nasa 400-500€ a month o baka naman sa isang maliit na bayan na nasa labas ng lunsod ngunit medyo konektado sa pamamagitan ng tren o LRT.



Kaya, bilang konklusyon ganito ang situwasyon, at least may kinalaman sa trabaho sa domestic sector.

Syempre naman mayroon din ibang mga posibilidad na magtrabaho dito at iyon ay magiging laman ng ibang post....



Comments

Popular Posts